top of page
HOME: Welcome
  • Writer: Ace
    Ace
  • Dec 13, 2017
  • 2 min read

Updated: Oct 14, 2021

"Darating at darating ka pala sa puntong hihilingin mo na sana nagkapalit na lang kayong dalawa ng sitwasyon. Na sana ikaw naman ang kailanganin. Na sana ikaw naman ang habulin. Na sana ikaw naman ang hindi kayang mawala sa buhay niya."


Ang sakit-sakit na pero wala kang magawa kung hindi ang maghintay. Bakit? Kasi mahal mo eh. Kasi kahit na pagbali-baliktarin mo ang mundo, siya pa rin ang taong tanging isinisigaw ng puso mo. Siya pa rin ang taong tanging makakapagpasaya sa iyo. Kaya naman wala kang magawa kung hindi ang maghintay.


Minsan, tinatanong mo rin ang sarili mo kung ganoon din kaya siya sa iyo. Ano na kaya ang nararamdaman niya para sa iyo? Ikaw pa rin kaya ang tinitibok ng puso niya? Ikaw pa rin kaya? Katulad pa rin kaya ng dati? Mahal ka pa kaya niya?


Alam kong gusto mong itanong ang lahat ng iyan sa kanya pero natatakot ka sa magiging sagot niya. Natatakot ka na baka hindi na ikaw ang isinisigaw ng puso niya. Natatakot ka na baka hindi na ikaw ang nakakapagpasaya sa kanya. Kaya wala kang magawa kung hindi ang maghintay na lamang sa oras na ibibigay niya sa iyo, sa oras na hindi mo alam kung kailan darating.


Kaya napag-isip-isip mo, paano kung nagkapalit kayo ng sitwasyon. Ikaw ay siya at siya ay ikaw, gagawin mo kaya sa kanya ang ginagawa niya sa iyo ngayon? Mararamdaman at iisipin ba niya ang nararamdaman at iniisip mo ngayon?


Ang dami mong tanong sa sarili mo na gusto mo ng kasagutan subalit ayaw mong masagot. Bakit? Kasi mahirap. Kasi masakit. Kasi mahal mo pa rin siya, mahal na mahal. Pero gusto mo, kahit isang beses lang, na sana ikaw naman ang kailanganin. Sana ikaw naman ang habulin. Sana ikaw naman ang hindi kayang mawala sa buhay niya. Sana ikaw naman.

bottom of page