- Ace
- Mar 28, 2021
- 1 min read
Updated: Oct 14, 2021
"Para sa pusong nalulungkot, nasasaktan, natatakot, nangangamba, isang mahigpit na yakap."
Para sa mga pusong iniwan at nang-iwan, isang mahigpit na yakap. Sa pusong iniwan nang hindi alam ang dahilan, isang mahigpit na yakap. Sa pusong nang-iwan para hindi na muling masaktan, isang mahigpit na yakap.
Para sa mga pusong nasaktan at nasasaktan, isang mahigpit na yakap. Sa pusong nasaktan ngunit natutong lumaban, isang mahigpit na yakap. Sa pusong nasasaktan na ang sugat ay hindi pa naghihilom, isang mahigpit na yakap.
Para sa mga pusong natakot at natatakot, isang mahigpit na yakap. Sa pusong natakot ipaglaban ang nararamdaman, isang mahigpit na yakap. Sa pusong natatakot sumubok ng bagong pagmamahal, isang mahigpit na yakap.
Para sa mga pusong itinago at itinatago, isang mahigpit na yakap. Sa pusong itinago nang dahil sa lipunang mapanghusga, isang mahigpit na yakap. Sa pusong itinatago dahil hindi maintindihan ang nararamdaman, isang mahigpit na yakap.
Para sa mga pusong umasa, umaasa, at aasa pa rin, isang mahigpit na yakap. Sa pusong umasa ng masayang kahapon, isang mahigpit na yakap. Sa pusong umaasa na makikita din ang kan'yang halaga, isang mahigpit na yakap. Sa pusong aasa pa rin na bukas ay kapiling na ang minamahal n'ya, isang mahigpit na yakap.
Para sa mga pusong puro pasakit sa buhay ang nadarama, isang mahigpit na yakap.
