top of page
HOME: Welcome
  • Writer: Ace
    Ace
  • Jun 9, 2020
  • 2 min read

Updated: Apr 18, 2021

"Sa tuwing sasapit ang gabi, ang katawan ni Antonio ay sadyang nag-iinit sa kadahilanang hindi niya malaman. Isang linggo pa lamang ang nakakalipas mula ng lumuwas siya ng Maynila para mag-aral sa isang sikat na unibersidad."


"Gabi na naman", ang wika ni Antonio sa sarili habang nakaupo sa isang bakal na upuan sa beranda ng inuupahan niyang apartment. Kung siya ay makikita ng ibang tao, siya ay mukhang may malalim na iniisip pero ang totoo, sadyang gusto niya lang talagang pinag-mamasdan ang paglubog ng araw. Gustong-gusto niya ito dahil ito ang hudyat na mapapawi na naman ang init ng kanyang katawan.


Sa tuluyang paglubog ng araw ay pumalit ang buwang nagbibigay ng sapat na ilaw para makita niya ang kaniyang sariling repleksiyon sa salaming nakaharap sa beranda ng kaniyang tirahan. Mabusising pinagmasdan ng lalaki ang sariling katawan sa harap ng salamin at napangiti nang akala mo ay nakakaloko. "Ang katawang ito ay siguradong makakabingwit na naman mamaya ng mga taong katulad niyang nagtatago sa dilim", sa isip-isip niya.


Matapos kumain ng gabihan ay kaagad siyang naligo. Kinuskos ng lalaki maging ang kasuluk-sulukan ng kanyang kawatan gamit ang tinuyong patola na galing pa sa likod-bahay nila sa probinsya. Matiyaga niya ring nilinis ang kaloob-looban ng kaniyang katawan sa abot ng kanyang makakaya. Muli na naman siyang napangisi at galak na galak na tinapos ang paliligo habang pakanta-kanta ng Milkshake ni Kelis.


My milkshake brings all the boys to the yard

And they're like, it's better than yours

Damn right it's better than yours

I can teach you, but I have to charge


I know you want it

The thing that makes me

What the guys go crazy for

They lose their minds

The way I wind

I think it's time


Matapos makapagsuot ng puting sando at boxer shorts ay metikuloso niyang sinuklay ang fade cut na buhok at kinuha ang android phone na regalo pa sa kaniya ng kaniyang mga magulang noong magtapos siya sa senior high school. Pagkaharap na pagkaharap sa salamin ay kaagad na kumuha ng ilang litrato na kita lamang ang kaniyang torso pababa.


"Busog ka na naman ngayong gabi, Antonio", sa isip-isip niya at sabay bukas ng isang app sa kaniyang phone.

  • Writer: Ace
    Ace
  • Dec 13, 2017
  • 2 min read

Updated: Oct 14, 2021

"Darating at darating ka pala sa puntong hihilingin mo na sana nagkapalit na lang kayong dalawa ng sitwasyon. Na sana ikaw naman ang kailanganin. Na sana ikaw naman ang habulin. Na sana ikaw naman ang hindi kayang mawala sa buhay niya."


Ang sakit-sakit na pero wala kang magawa kung hindi ang maghintay. Bakit? Kasi mahal mo eh. Kasi kahit na pagbali-baliktarin mo ang mundo, siya pa rin ang taong tanging isinisigaw ng puso mo. Siya pa rin ang taong tanging makakapagpasaya sa iyo. Kaya naman wala kang magawa kung hindi ang maghintay.


Minsan, tinatanong mo rin ang sarili mo kung ganoon din kaya siya sa iyo. Ano na kaya ang nararamdaman niya para sa iyo? Ikaw pa rin kaya ang tinitibok ng puso niya? Ikaw pa rin kaya? Katulad pa rin kaya ng dati? Mahal ka pa kaya niya?


Alam kong gusto mong itanong ang lahat ng iyan sa kanya pero natatakot ka sa magiging sagot niya. Natatakot ka na baka hindi na ikaw ang isinisigaw ng puso niya. Natatakot ka na baka hindi na ikaw ang nakakapagpasaya sa kanya. Kaya wala kang magawa kung hindi ang maghintay na lamang sa oras na ibibigay niya sa iyo, sa oras na hindi mo alam kung kailan darating.


Kaya napag-isip-isip mo, paano kung nagkapalit kayo ng sitwasyon. Ikaw ay siya at siya ay ikaw, gagawin mo kaya sa kanya ang ginagawa niya sa iyo ngayon? Mararamdaman at iisipin ba niya ang nararamdaman at iniisip mo ngayon?


Ang dami mong tanong sa sarili mo na gusto mo ng kasagutan subalit ayaw mong masagot. Bakit? Kasi mahirap. Kasi masakit. Kasi mahal mo pa rin siya, mahal na mahal. Pero gusto mo, kahit isang beses lang, na sana ikaw naman ang kailanganin. Sana ikaw naman ang habulin. Sana ikaw naman ang hindi kayang mawala sa buhay niya. Sana ikaw naman.

bottom of page